May mga personal at propesyonal na benepisyo ang pag-aaral ng English, ayon sa mga eksperto
Pagtuklas sa mga posibilidad sa pag-aaral ng English, at ang maitutulong nito sa mga mag-aaral sa aspetong personal at propesyonal, at ang mga dagdag na benepisyo ng pag-aaral ng wika ng mundo — clue: mainam ito para sa utak mo. Magbasa pa.
Baka narinig mo nang tinawag ang English na lingua franca, na mabulaklak na paraan ng pagsasabi na ang English na ang nagiging wika ng komunikasyon ng mga hindi native speaker.
Ito ay dahil ayon sa pagtatantya, halos 2 bilyong tao ang nagsasalita ng English sa buong mundo, kaya naman English ang pinakamalaking wika ayon sa dami ng mga nagsasalita nito, at ito ang pangatlong pinakamalaking wika ayon sa dami ng mga native speaker. Ayon sa maraming pamantayan, tinatawag na ngayong wika ng mundo ang English.
Dahil sa mabilis na nagbabagong mga inaasahan ng mga employer sa kasalukuyan, hindi matatawaran ang kakayahang makipagtulungan nang mabuti sa iba't ibang kultura, hangganan, at wika — dito napakahalaga ng mga kasanayan sa wikang English.
Ayon kay Simon Young, BTEC Portfolio Manager ng Pearson Asia, ngayong pandaigdigan na ang mga supply chain at customer base, tinukoy ng mga multinational na ang kahusayan sa wikang English ay isang kinakailangan, hindi lang basta kasanayang magandang magkaroon.
“Mukhang naging napakahalaga nang kasanayan ang English para sa pakikipag-ugnayan sa negosyo sa anumang tungkulin. Kaya naman, sa mga bansang tulad ng [mga nasa Southeast Asia] kung saan posible kang makakita ng matibay na lokal na lakas paggawa, kailangang magaling makipag-usap sa English para makipag-ugnayan sa iba pang dibisyon. English na ngayon ang pandaigdigang medium ng komunikasyon.”
Bagama't nakakatulong ang English na pagandahin ang iyong mga posibilidad sa karera at propesyonal na paglago, kung marami kang sinasalitang wika, mas magaling kang matuto — ang mga benepisyo sa pag-iisip ng kahusayan sa isa pang wika ay mainam para sa iyong utak.
At partikular na para sa mga mag-aaral ng wikang English, ayon sa mga eksperto, ang mga mag-aaral na maraming sinasalitang wika ay nakakakuha ng mas mataas na marka sa mga standardized na pagsusulit, na malamang na dahil sa pag-aaral ng iba't ibang balarila at bokabularyo, pati na rin sa kakayahang tumuon sa mahalagang impormasyon habang hindi masyadong nagbibigay-pansin sa mga detalyeng hindi gaanong mahalaga.
Kapag nag-aaral ng English kasama ng isa pang asignatura, di-hamak na mas epektibo itong paraan ng pag-aaral ng isang wika. Sa diskarteng dalawa para sa isa, nagkakaroon ng konteksto ang pinag-aaralan mo at nahihikayat ang pagkakaroon ng mga kasanayan ng lakas paggawa. Para kay Dr. Tran Huong Quynh, Head ng English Linguistics Division, Faculty of English at Hanoi National University of Education, ang English ay itinuturing na ngayong instrumento para sa pagbubukas ng pinto ng kaalaman para sa mga kasalukuyang mag-aaral.
“Ito ay pag-aaral [na mahalaga], at gustong matuto ng mga estudyante ng isang bagay na kapaki-pakinabang para sa kanila, sa halip na English lang mismo ang pagtuunan. Halimbawa, puwedeng mag-aral ang mga estudyante ng English at agham, English at heograpiya, o kahit English at pag-aaral kung paano mag-present o iba pang kasanayang naaangkop sa ika-21 siglo.
“Dapat kang mag-aral ng English nang may konteksto, at kailangan mong gamitin ang wika araw-araw, sa kontekstong propesyonal man o batay sa gawain, o sa mga pang-araw-araw na pag-uusap nang may malinaw na layuning matuto. Kaya naman, dapat magkaroon ang mga mag-aaral ng tsansang matutunan ang English na ginagamit ng mga tao sa totoong sitwasyon, hindi lang ang wikang nakabatay sa libro,” sabi niya.
Dapat tukuyin ng mga mag-aaral kung bakit nila gustong matuto ng English para matiyak na maitatakda nang tama ang mga layunin nila at tama ang kanilang pinagtutuunan. Binanggit ni Dr. Quynh na para maging magaling sa English, dapat maintindihan ng mga mag-aaral ang mga pagkakaiba-iba ng pangkalahatan, pang-akademiko, at pangnegosyong English, at pagkatapos ay harapin ang kanilang mga pattern sa pag-aaral nang naaayon.
“Para sa akin, ang pag-aaral para maging magaling sa wika ay dapat tumutukoy lahat sa tatlong larangan, kaya ang ibig sabihin noon ay academic English, business English, o real-world English. Bawat isa sa mga ito ay tumutuon sa isang aspeto ng English na kailangang gamitin ng mga mag-aaral ang English nang naaangkop sa iba't ibang sitwasyon. Kung kaya, ang academic English ay ang uri ng English na kailangan mo sa mundo ng pananaliksik, pag-aaral, at pagtuturo.
“Para sa business English, magagamit ng mga mag-aaral ang English sa propesyonal na sitwasyon at ang kakayahang makipag-ugnayan sa trabaho. Halimbawa, sa kakayahang magsulat ng mga email, maintindihan ang mga iyon, at sagutin ang mga iyon gamit ang naaangkop na wika, dapat may kakayahan silang gumawa ng mga presentation o sumali sa mga business meeting sa English,” sabi niya.
Para kay Quynh, ang kahalagahan ng pag-aaral ng English ay nasa pagkakaroon ng pag-unawa at antas ng kahusayan sa lahat ng tatlong variation ng English para masulit ang kanilang pag-aaral. Sabi niya, para talagang mailabas ang propesyonal at personal na potensyal, dapat sikapin ng mga mag-aaral na magkaroon ng kakayahang makipag-ugnayan sa lahat ng variation ng mga sitwasyon sa pang-araw-araw na buhay.
“Pamilyar tayong lahat sa real-world English – ito ang kakayahang makipag-ugnayan sa pangkalahatan at sa lipunan. Kung kaya, dapat magkaroon ang mga mag-aaral ng kakayahang makipag-ugnayan nang may kumpyansa para sa pang-araw-araw na buhay sa English, nasaan man sila — halimbawa, nasa bahay o nasa trabaho, habang bumabiyahe o nakikihalubilo sa mga sitwasyon sa araw-araw.
“Para magkaroon ng mga pagkakataon sa karera at mas madaling magkatrabaho, sa palagay ko, alam dapat ng mga mag-aaral kung anong uri ng English ang kailangan nila sa pamamagitan ng pagtingin kung saan ba talaga nila gustong gamitin ang English -- kailangan ba nila ang English para sa trabaho nila o para sa pakikihalubilo at pakikipag-ugnayan sa labas ng trabaho?” sabi niya.